Mahirap maging isang enhenyero, arkitekto, doktor, guro o maging isang boksingero. Totoong walang madaling propesyon dito sa mundo subalit may mas hihigit pa ba sa propesyong pagiging isang magulang? Para sa akin, ito ang pinakamahirap sa lahat ng karera sa mundo. Pinaplano ng karamihan ang pagsalang sa hamong ito subalit minsan, sadyang binibigay ito ng pagkakataon nang hindi pa napapanahon sa ibang tao.
Ang pag-aasawa ay isang bagay ngunit ang pag-aanak ay isang panibagong malaking hamon. Ang siyam na buwan na pagdadalang-tao ng isang ina ay puno ng maraming pisikal, mental at pinansyal na pagsubok. Ang panganganak naman ay naglalagay ng isang paa ng ina sa hukay. Ang mga susunod na buwan ay sadyang labis na pagpupunyagi ang dulot sa lalung-lalo na sa ina. Nangangailangan ito ng magkatuwang na pasensya at presensya mula sa mag-asawa.
Bilang mga magulang, responsibilad ng nanay at tatay ang tamang pag-aaruga sa anak sa mabuti o maging sa pinakamasaklap na panahon. Walang bawian ang sitwasyong ito. Susubukin nito ang haba ng pagtitiyaga at pagtittis ng isang tao nang walang kapalit na sahod.
Ang tamang pag-aaruga ay dapat simulan sa regular na pagpapasuso sa isang sanggol. Napatunayan sa mga pagsasaliksik na pinakaepektibong paraan upang makamit ang pinakamabuting kalagayan ng isang bata sa pamamagitan ng eksklusibong pagpapasuso. Kaya hinihikayat ang lahat ng mga ina na aktibong gawin ito.
Kinakailangan din ang magkatuwang na pwersa ng nanay at tatay upang mapalaking mabuti ang ang anak. Ito'y nangangahulugang dapat maglaan ng sapat na oras at panahon ang dalawang magulang para sa bata. Nararapat na magsimula sa tahanan ang tamang edukasyon, asal at disiplina upang maging mabuti at kapakipakinabang na mamamayan ang mga bata.
Kung ang isang bata ay lalaking disiplinado at maprinsipyo, siya ay magiging inspirasyon at magiging marangal na ehemplo sa iba kaya napakalaking papel ang ginagampanan ng responsableng paggiging magulang. Nakabatay sa tamang pag-aaruga ang kaunlaran at kahihinatnan ng isang bansa.